Madalas ko pong sinasabi na ang desisyon, o pagkakaugnay sa pagtakbo o di pagtakbo, o pagtakbo sa partikular o ano mang posisyon dapat personal sa isang tao at hindi dapat pinapasa o inaasa kanino man.
Let that be the first test of leadership of any putative candidate --for that person to decide on his own whether or not he will run, and what position he will run for.
Hayaan niyo pong patunayan ko yan sa araw na ito. Nais ko pong ipabatid na ako po ay nagpaalam na at nagresign na bilang miyembro ng Nationalist People's Coalition o NPC.
Ito po ang partidong kinabilangan ko mula pa noong 1998, noong ako ay pumasok sa larangan ng pulitika. Ito po ay aking ginagawa sa tatlong kadahilanan.
Una, sino man po ang nagpapaplanong tumakbo bilang pangulo, dapat wala pong partidong kinabibilangan --NPC, LP , NP, Lakas o ano pa man. Ang dapat na partidong kinabibilangan ng sino mang nagpaplanong tumakbo, dapat po Pilipinas. At lahat ng mga kapartido niya, dapat lahat din ng Pilipino. Lahat ng Pilipino --bata man o matanda, babae o lalake, mayaman o mahirap, nakapag-aral o hindi, dilaw man o pula ang kulay, binoto ka man o hindi, dapat ituring mo ng pantay at pareho. Hindi po pwede na ang tinititigan mo lamang at pinapakinggan ay palaging mga kapartido mo, habang tinitingnan mo na lamang mula sa malayo ang mga hindi mo kapartido, ang mga hindi mo kagrupo.
Wala pong isang partido na nagmamay-ari ng lahat ng galing at talento kaugnay sa pagresolba ng problema ng ating bansa. Kailangan po kasama kayo. Hindi pwede halimbawa na ako lamang mismo, dapat pati kayo mismo. Hindi pwedeng ako lang palagi ang simula, dapat kayo din ang maging simula.
Pangalawang rason, sino mang tumatakbo, o tatakbo o magiging pangulo ng ating bansa, hindi po pwedeng nakakadena ang kamay at paa sa partido.
Hindi po pwedeng nakapiring ang mata, at nakabusal ang bibig. Dahil kung ganyan po ang mangyayari, dating gawi na naman at paano niya mareresolbahan ang mga problema ng ating bansa. Para po sa akin, hindi dapat idikta ng isang partido ang gagawin ng sino mang tatakbo. Dahil kung ganoon, paano niya mapapanagot ang mga tiwali sa gobyerno kung ito ay kagrupo o kasama niya.
Papaano niya i-aabolish ang pork barrel, at i-institute ang line item budgeting kung kasama niya ay puro kongresista at puro senador.
Papaano niya ipagtatanggol ang mga security guard, janitor at mga clerk kung hindi niya ipaglalaban ang contractualization na hindi na magamit laban sa mga taong ito.
Paano niya titiyakin na ang pulis at sundalo, trabahong-pulis at sundalo at hindi bodyguard, taga bukas ng pinto o taga bitbit ng bayong ng asawa ng opisyal o heneral.
Papaano niya titiyakin na ang mga ambassador natin sa iba't-ibang parte ng mundo hindi magsisilbing tour guide lamang ng mga kongresman, kundi magsisilbi sa mga OFW na kinakailangan ang kanilang tulong.
Papaano halimbawa magagawa yan ng sino mang magiging pangulo kung siya ay nakatali at nakakadena.
Papaano niya aamyendahan at ire-repeal ang oil deregulation law --para magpantay man lamang ang mayaman at mahirap. Ang mayamang kumpanya ng langis pwedeng magtaas ng presyo kahit kailan, at kung ayaw niyang ibaba hindi pwede. Ang mahirap na tsuper ng jeep, kailangan magpaalam muna sa isang ahensiya ng gobyerno bago siya magtaas ng kita o pamasahe. Kung pwede ang mayaman, dapat mas pwede ang mahirap. Kung bawal ang mahirap, dapat mas bawal ang mayaman.
Pangatlo po at higit sa lahat, ako'y lumilisan sa aking partido dahil naniniwala po ako na mas matatanaw ko ang dapat kong gawin at papel na dapat kong gampanan kaugnay sa darating na halalan.
Sa pagkakataong ito at sa minutong ito, hindi bilang miyembro ng anumang partido, hindi bilang kasama ng sino mang tao, kung hindi, ako lamang po bilang ako. Nais ko pong magpasalamat sa lahat ng nandito ngayong umaga. Nais ko pong magpasalamat sa lahat ng mga Bicolano, sa lahat po ng naniniwala at nagtitiwala.
Hiling ko po ay panahon para ako ay magpasya --ako bilang ako at hindi diktado o hindi sinasabihan ng sinuman. Nais kong patunayan ito upang sa gayon mapatunayan ko rin sa inyo at sa aking sarili na ito ay ginagawa ko sa mga tamang rason --hindi para sa anumang interes, hindi para sa kanino mang tao, kundi para sa inyo at para sa sambayanan.
Paumanhin at panahon ang aking hinihiling. Sana'y igawad ninyo po ito sa akin --bilang ako. Maraming salamat po muli sa inyong pagdalo at isang magandang at pinagpalang umaga po.